Buwan ng Mga Guro sa Tarlac: Pagdiriwang at Pagkukuwento
Noong Setyembre, balik-Tarlac ang tambalang Adarna Group Foundation, Inc. at LBC Hari ng Padala Foundation, Inc. upang ipagdiwang ang Buwan ng mga Guro. Ang kanilang dalawang araw na bisita ay napuno hindi lamang ng kasiyahan, pero pati ng kuwentuhan at kaalaman.
Nagkaroon ng masining na pagkukuwento sa San Clemente kasama ang 30 estudyante ng Balloc Child Development Center.
Sa Anao, binasahan din ng kuwento ang mahigit sa 30 mag-aaral ng Santo Domingo Child Development Center. Kasabay nito ang Palihan sa Mabisang Pagkukuwento ni Bb. Michelle Agas, na dinaluhan ng 18 child development workers.
Bilang pasasalamat sa kanilang serbisyo, 31 child development workers sa parehong munisipalidad ang hinandugan ng mga munting palaro at regalo ng LBC Hari ng Padala Foundation, Inc. Kasama sa lahat ng pagtitipon ang mga boluntaryo mula sa LBC Express-Central Luzon branch.
Binibigyang pugay ng Adarna Group Foundation, Inc. ang lahat ng child development workers, lalo na ang mga taga-Anao at San Clemente na kanilang katuwang sa programang Handang Magbasa. Sila ay kinikilala at pinapasalamatan sa kanilang dedikasyon na gawing ganap na mambabasa ang mga bata sa kani-kanilang munisipalidad.